Pinatutsadahan ni Liberal Party (LP) standard bearer at opposition Senator Benigno Simeon ‘Noynoy’ Aquino III si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa pagsuway at pagbalewala nito sa mismong aral ng kanyang ama na si dating Pangulong Diosdado Macapagal.
Rumesbak si Aquino kay Mrs. Arroyo matapos payuhang magdahan-dahan sa pagbibitaw ng salita, katulad ng banta ng una na hindi kikilalanin ang lahat ng midnight appointment, partikular itatalagang chief justice kapag manalong presidente ito.
Ayon kay Aquino, mismong ama ni Mrs. Arroyo si dating Pangulong Macapagal ang bumara sa midnight appointment ni dating Pangulong Carlos P. Garcia subalit ngayo’y kabaliktaran sa ginagawa ng kanyang anak.
Kung magkaiba ang posisyon ng mag-ama, ito’y hindi ikinagulat ni Aquino dahil nangyayari aniya ang ganitong sitwasyon kapag hindi natutunan ng anak ang kagandahang asal ng mga magalang nito.
“Ganito po ang nangyari kapag hindi tinutularan ng mga anak ang magandang asal ng kanilang magulang,” ani Aquino.
Inihalimbawa ni Aquino ang midnight appointment ni Garcia kung saan kinuwestyon ng ama ni Mrs. Arroyo, partikular ang pagtalaga ng bagong gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
“Ang isang halimbawa po nito ay si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na nagbabalak na hindi sumunod sa ginawa ng kanyang sariling ama na si dating Pangulong Diosdado Macapagal nang balewalain nito ang pagtatalaga ni dating Pangulong Carlos P. Garcia ng gobernador ng Bangko Sentral dahil nilabag nito ang batas ukol sa midnight appointment, nakapaloob sa ating Saligang Batas,” ani Aquino.
Ngayong magkaiba ang posisyon ng mag-ama, mas lalo pang ipinakita ni Mrs. Arroyo ang kawalan ng intensyong bumaba sa trono at ginagamit ang lahat ng kapangyarihan upang mapalawig ang termino nito.
“Ipinapakita lamang po nito sa ating mga Pilipino na hindi po titigil ang administrasyon sa hangarin nitong palawigin ang kanilang impluwensiya at kapangyarihan sa pamamagitan ng paglabag sa mismong batas na dapat nitong pinagpapatibay,” dagdag pa nito.
Samantala, ipinagtanggol naman ni Quezon Rep. Lorenzo Erin Tañada si Noynoy sa pagsabi na hindi umano puwedeng tawaging iresponsable o mayabang ang binitawang pahayag ng LP presidential bet na nagsabi na hindi nito kilalanin ang susunod na SC chief na itatalaga ng pangulo sakaling mahalal ito sa May elections.
0 comments:
Post a Comment